Monthsary namin ng boyfriend ko ngayon. At pang 2nd na. Haha, nakakatawa, sa mahigit isang taon na naming nagmamahalan ay ngayon lang kami umabot ng dalawang buwan sa relasyon. Isang taon muna kasi ako nagpaligaw bago ko siya pormal na sagutin. Kasama na din yung ligaw sa aking pamilya, mahalaga iyon para sa akin. Masaya kasi natuloy na talaga. Noong unang monthsary kasi namin ay nakipagbreak siya bago ang mismong araw ng unang buwan namin.
Teka. Monthsary? Meron ba non sa ibang bansa?
Sa pagkakaalam ko kasi Pinoy lang ang merong ganitong selebrasyon. Hindi ko lang alam kung ipinagdiriwang din ba ng magkasintahan sa ibang bansa ito. Una kong naisip, baka naman sa dahilang mahilig lang talaga magcelebrate ang mga Pilipino na kahit sa ibang bansa ay mababaw ngunit para sa mga Pilipino ay mahalaga. Ang selebrasyon kasi ay napakalaking bahagi ng ating kultura. Kaya naman, magtaka ka pa, aba! Mahalaga din namang ipagdiwang ang dagdag na mga buwan sa isang relasyon.
Sa paghahanap ko nang pinag-ugatan ng salitang monthsary, hindi ako nagtagumpay. Sa halip ay ang kahulugan lamang nito ang aking natuklasan sa website na urbandictionary.com. Ayon sa mga ilang nagkontribusyon sa kahulugan ng monthsary, ito daw ay isang napakaespesyal na araw katulad ng anniversary. Ang pagkakaiba lamang daw ng dalawa ay yung monthsary ay ipinagdidiwang ng buwanan at ang anniversary ay kada taon. Madalas daw itong ipagdiwang ng mga Pilipino. Sa totoo lang daw ay monthiversary ang tamang tawag dito, ngunit sa hindi malamang kadahilanan ay iyon na ang naging tawag.
Masaya mang ipagdiwang ang monthsary, ngunit hindi maitatago ang isang katotohanan ukol sa pagpapahalaga sa relasyon ng makabagong henerasyon. Mababatid na ang maaaring dahilan kung bakit nagkaroon ng ganitong salita ay dahil hindi na ganoon pinapahalagahan ng modern pinoys lalo na ng mga kabataan ang pakikipagrelasyon at mas kuntento na sila sa maikling panahon nito.
“Break na kayo?”
“Oo.”
“Nakailang months kayo?”
“Tatlo.”
“Tatlo?! Ang ikli naman!”
“Ano ka, yun na nga pinakamahaba ko e!”
Tsk tsk. Nakakalungkot na ang kasabay ng pag-usad ng kalayaan ng mga kabataan ay ang hindi na nila pagpapahalaga sa mga bagay na kung tutuusin ay importante. Maririnig mo na lang na nagpapayabangan ng paramihan ng girlfriend, paiklian ng pakikipagrelasyon, at pagbibilang ng mga hindi sineryoso. Kung ipunta kaya ang mga modernong kabataan sa makalumang panahon? Uubra kaya ang mga ganito?
