ANG HIWAGANG DULOT NG “AGIMAT”

Posted: March 6, 2011 in trip trip la-ang..
Tags: ,

ANG HIWAGANG DULOT NG “AGIMAT”

Agimat, sa ingles ay tinatawag na ‘amulet’ at para sa iba ay ‘anting-anting’. Ang naturang bagay na ito ay nakakapagbigay diumano ng kakaibang kapangyarihan at abilidad sa kung sino man ang nagmamay-ari o may hawak nito.

Kadalasan, ang agimat ay isang bato na iba’t iba ang hugis na nakasabit sa isang kwintas na hugis tatsulok, hugis bilog o hugis pakrus. Madalas ay may nakasulat itong mga Latin na salita at mga simbolismo. Ang agimat ay maaari ring isang piraso ng papel na mayroong Latin na dasal na madalas ay nakatago sa pitaka o di kaya’y nakatahi sa damit. Ang ngipin ng buwaya o mga tuyong prutas ay ginagawa ding agimat.

Sinasabi na kapag ikaw ay mayroong agimat, may mga kakaiba kang kapangyarihan na makukuha. Kabilang dito ang pagkakaroon ng pambihirang pisikal na lakas, pagiging invisible, kakaibang mga pandama, paggamot sa sarili, elemental na kapangyarihan (halimbawa’y pagkontrol sa tubig), paglabas ng kuryente sa katawan, telekinesis, magkaroon ng kakayahang mahulaan ang mga susunod na mangyayari, pagbabagong anyo, at pagkakaroon ng walang humpay na swerte. May mga agimat din na proteksyon laban sa mga aksidente., pangtaboy ng mga engkanto o di kaya’y pang-akit sa mga kababaihan at kung anu-ano pa.

Ang “agimat” ay isang neolohismong salita na galing sa salitang Malaysian na “anting” o “Ju” na ibig sabihin ay “nakasabit” at sa Javanese ay “anting-anting” na ibig sabihin ay “palawit sa tainga”. Ang paggamit ng agimat ay isang lumang tradisyon ng mga bansa particular sa timog-silangang-asya. Ito ay dinala sa Pilipinas ng mga Kastila na kung saan ang mga imahe ng agimat ay may simbolismong Kristiyanismo.

Paano nga bang ang iba’t ibang bagay na ginagawang agimat ay nagkakapagbigay ng kakaibang kapangyarihan? Sa pamamagitan ng “orasyon”, magkakaroon ng kapangyarihan ang nasabing bagay. Ang orasyon ay ang maikling dasal na pabulong o di kaya’y pasulat.

May iba’t ibang pag-oorasyon ang agimat. May tinatawag na pamako na nakakapagparalisado ng kaaway. Tagabulag, na nagbibigay ng invisibility na kakayahan. Kabal at kunat para hindi tablan ng kung anumang matulis na bagay at tagaliwas para hindi tablan ng bala. Ang orasyon ay madalas ginagawa pagsapit ng semana santa partikular ang pagsapit ng Biyernes Santo (Good Friday) sa sementeryo sa ika-8 ng gabi.

May mga kwento din na ang agimat ay mula sa langit o di kaya’y galing sa puso nang saging(mutya) na kapag nilunok ay doon mo makukuha ang kapangyarihan nito. May mga tradisyunal ding paraan ng pagkuha ng kapangyarihan ng agimat tulad ng regular na pag-inom ng lambanog sa isang malaking banga na may lamang fetus sa ilalim nito. Makukuha din diumano ang kapangyarihan ng agimat sa pagkain ng putik

Dito sa Pilipinas, may mga kilala ring tao na gumagamit ng agimat. Isa na dito ay si Emilio Aguinaldo na ang tawag sa kanyang agimat ay Santisima Trinidad. Ang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio ay gumamit ng agimat na Santiago de Galicia/Birhen del Pilar samantalang si General Antonio Luna ay Virgen Madre ang dala-dala. Kilala din sina Tiagong Akyat, Nardong Putik, Macario Sakay at Gregorio Aglipay. Maging si President Ferdinand Marcos ay gumagamit din ng agimat na isang mahabang salubsob ng kahoy na nakaipit sa kanyang likod bago pa ang kampanya sa Bataan.

Sa ngayon ay may mga pelikulang pinapakita ang kapangyarihan ng agimat. Kilala si Ramon Revilla sa kanyang pelikulang Agimat: Ang mga Alamat ni Ramon Revilla noong 1973 at ang anak niyang si Bong Revilla na nagging bida rin sa isang pelikula na Agimat noong 1999. At nito lamang 2010, nagkaroon ng serye sa telebisyon ang Agimat: Ang mga Alamat ni Ramon Revilla na pinagbibidahan nina Jolo Revilla, Gerald Anderson at Coco Martin.

Hanggang sa ngayon ang kapangyarihan ng agimat ay patuloy pa ring pinaniniwalaan ng mga Pilipino. Nagbabago man konteksto ng salitang “agimat”, nagpapakita pa rin ito ng kulturang walang humpay at pagkiling ng mga tao sa mga bagay na walang siyentipikong paliwanag. Totoo man o hindi ang kapangyarihang dulot ng agimat, mananatili pa ring hiwaga ang kakaibang misteryo na dulot nito sa mahabang panahon.

 

Comments
  1. ellice bertubin says:

    saan ba makukuha ang agimat pede po ba humingi ng agimat para sa kabutihan ng iba?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s